Mood:

Topic: bigong bata
alam mong nasasaktan ka. ramdam mo ang hapding gumuguhit sa dibdib sa t’wing maaalala siya o kaya naman ay may magbibirong nariyan siya. ang katotohanan kasi, wala na kayo, nakahanap na siya ng iba at naiwan ka na. ang yabang mo kasi. ang akala mo, hindi ka nya kayang iwan dahil ikaw ang mundo nya.
masakit? kung gayon ay ‘wag mo ng ituloy ang pagbasa. ngunit kung kaya mong tiisin, ituloy natin.
susubukan mong makalimot, ititindig mo ang sarili at sasabihing “magsisimula akong muli!” binura mo na ang number niya. pinapatay mo pa cellphone mo para di matuksong i-text sya, ngunit binubuksan mo naman kada sampung segundo para i-check kung may message ba sya. maaaring ang ilang larawan o mga love letters niya ay itinapon mo na rin. ang mga regalo niya, nasa kahon na o di kaya ay naipamigay mo na. sa ganitong paraan, pinapalaya mo ang sarili mo sa mga alaala niya. inaalis mo ang mga naiwan niya. gayunman, may mga alaalang mahirap alisin lalo na kung naiwan ito sa puso mo.
minsan nasabi mo na ba sa sarili mo na tanga ka, na wala kang silbi, na makitid ang utak mo, na baliw ka? hay, di ba nasabi mo yan nung iniwan ka nya at ipinagpalit sa iba? lalo na pag naiisip mo na halos di na sya kumain maibili lang ng load ang bago nya? ano, naalala mo ba nung ikaw ang gumagawa nyan sa kanya. tinitiis mo ang gutom mo, makausap mo lang sya?
napaso ka ba? pwede kang tumigil, magmura at sabihing siraulo ang nagsulat nito. pero alam kong mas siraulo ka dahil tatapusin mo pa rin ang pagbabasa.
at dahil sa masasayang sandali ninyo, may mga kantang pinili ninyong maging kanta ninyo. paano ka ngayon makakaligtas sa radyo o sa mga concert o minsan, sa sasakyan. ilang beses mo na bang naranasan na masaya ka, maayos at ang araw ay tila para sa iyo nang biglang may maririnig kang awit na magpapaalaala sa inyo. pareho pa ba ang nararamdaman mo? ang hatid bang saya ng awit na ito noon ay katumbas ngayon? E’ kung biruin kitang ang awit na ito ay pinili rin nilang maging awit, o mas malala ay gawing theme song sa kasal nila?
paano kung sabihin ko sa’yo na sa nararamdaman mo ngayon ay talo ka. isa kang loser!
kasama mo nanunuod ng Bubble Gang ang mga kapatid mo, bigla na lang sila magugulat nang bigla tutulo ang luha mo sa pinaka-nakakatawang joke. nung sinundo ka ng nanay mo, bigla ka na lang naiyak, sinabi mo na lang na naiiyak ka dahil na-trapik kayo. kapag may party, nagmumukmok ka sa isang tabi at bigla na lang gusto laging umuwi. sa inuman ng barkada, halos laklakin mo na lahat ng alak na makita mo, at pag lasing ka na, na-rerealize mo na lang ang kantang “di ko kayang tanggapin!.”
o ano, sapul ba?
handa ka ba kung sakaling magkasalubong kayo? ano ang sasabihin mo? paano kung magtapat siya sa’yo at sabihing mahal ka pala niya. ikaw pala ang tama para sa kanya. nakabukas ang kanyang mga braso at naghihintay ng yakap. tatanggapin mo ba siya? hindi mo ba iisiping nagbalik siya dahil alam n’yang hindi mo siya matitiis? dahil ang alam niya… siya ang sentro ng buhay mo? nagbalik sya di dahil mahal ka nya, ngunit dahil alam nyang mahal mo sya at kulang na lang magpakamatay ka para lang mahalin ka nya uli!
ouch?!! isumpa mo man ako, itutuloy ko pa rin.
wala ng gustong makinig sa’yo. ang kwento ng pag-iibigan niyo ay alam na ng lahat ng kaibigan mo. hindi pa siya naisusulat at nagagawang telenovela o di kaya dulang panradyo ay pinagsawaan na ng mga tao dahil sa paulit-ulit mong kwento. wala ng gustong bumili sa mga sakit na nararamdaman mo. wala ng gustong makinig. dahil wala ng interesado… ikaw na lang ang naiwan diyan, at maging siya, wala ng pakialam sa’yo.
wala nang gustong magtanong kung miss mo pa sya, kung naaalala mo pa sya o kung mahal mo pa sya sabagay, di na kailangang itanong. di ba alam naman nila ang sagot? lagi at sobra. hindi mo pa ba nahahalata? lahat na ng tao asar sayo dahil wala kang paki-alam sa sinasabi nila. sarili mo lang kasi at ang taong yun ang iniisip mo.
wag kang umiyak. nakanangp*cha! bumenta na ‘yan.
ang pagkakaroon ng minamahal o ng kasintahan ay nagbubunga ng mas malaking barkada, ng kaibigan o ng nakikilala. sa madaling salita, lumalawak ang mundo. e’ bakit pinaliit mo ang mundo mo sa kanya?! paano mong tiniis na mabuhay nang nakasentro sa kanya?
gumalaw-galaw ka muna at baka ka maistroke.
totoong moving on from a relationship is hard. lahat ng reasons meron ka. infact pwede mong isulat ang 1001 reasons kung bakit mo nararamdaman ‘yan. gayunman, hindi mo pa napapapublish yan, may magsusulat na ng 1002 reasons why you need to move on, o kaya naman 1003 reasons kung bakit masayang maging malaya at 1004 reasons kung bakit ka dapat tawaging loser.
alam mong hindi binibilang ang taon at lalong hindi sinusukat ang effort. alam mong pareho kayong naging masaya noon. ano ngayon ang dahilan para magsisi o manghinayang sa mga nakaraang araw?
maaaring lahat ng mura ay naipukol mo na sa kanya. kung nakamamatay ang mga masasakit na salitang iyan, o ang galit na nararamdaman mo ay maaaring nailibing na siya. alam mong hindi maibabalik ng mga iyan ang relasyon ninyo. alam mong hindi mo siya mapipilit at alam mong hindi mo kontrolado ang buhay niya. marami kang alam pero ang totoo, merong kang hindi alam. alam mo ba na kontrolado niya ang buhay mo? alam mo ba na ginagawa ka niyang tanga hanggang ngayon? sa nangyari sa’yo, alam mo ba na maraming masasayang araw ang pinapalampas mo. alam mo rin ba na hindi mo kailanman mapapalitan ang minahal mong ‘yan, di mo mahahanap at di darating ang para sa’yo? dahil hindi mo alam na may taong handang gumalang sa nararamdaman mo, handa kang tanggapin, handa kang ingatan, handang magsakripisyo at mahalin ka ng labis kaysa sa pagmamahal mo? alam mo bang maaaring nariyan na siya kaso ay hindi makapasok sa buhay mo dahil sarado pa, dahil abala ka pa sa tumarantado sa’yo.
o sabihin man nating ang mga iyon ay walang kasiguruhan, ang totoo ay hindi mo alam na ang paghihiwalay ninyo ay mas makabubuti sa’yo. alam mo, marerealize mo ring nakakapagod pala ang magpretend na mahal ka pa rin nya. nakakapagod din magdasal every night na sana mahalin ka nya uli. ang hirap ng ganun, pare ko. ginawa mo na lahat, wala pa rin. teka, ganun ka ba talaga kahirap mahalin?
hindi rin naman dahil nasubukan mo na ring magmahal ng iba. in fact nga, may kasintahan ka ngayon eh. mahal mo ba sya? ows? sinong niloko mo? o baka hindi mo rin matanggap sa sarili mo na ginagamit mo lang sya para masabi sa ex mo na nag-move on ka na at mas masaya ka sa kanya? eh pano pag sya naman ang kinuha ng iba sayo? anong gagawin mo? nakalimutan mo na ba na ganyang-ganyan ang ginawa mo sa ex mo?
matanong nga kita, kelan ka huling humigop ng kape o ng tsaa kasama ng mga kaibigan mo? kelan ka huling nagjogging? kelan ka huling nagbakasyon. kelan ka huling tumingala sa langit at pagmasdan ang paglipad ng malalayang ibon at paggalaw ng ulap. kelan mo huling nasulyapan ang paglubog ng araw at unti-unti pag ningas ng kalawakan sa paglabas ng mga bitwin.
kelan ka huling lumabas kasama ng mga mahal mo sa buhay? kelan mo huling nakabonding ang kapatid, kaibigan o magulang mo? kelan ka huling naglinis ng kwarto? kelan ka huling nagsulat sa diary, kelan ka huling nagbasa at nakatapos ng libro?
marami ka ng napapalampas. kanino mo gustong marinig ang salitang move-on? sa kanya? masarap maramdaman na kontrolado mo ang buhay mo. masarap makitang muli kang nakatayo, in-control, at nagagawa mo ang gusto mo. masarap maging malaya.